By ERICK BALANE For Comments: (+639192370790/+639167461209)
Mula sa pinakamababang puwesto sa Bureau of Internal Revenue hanggang marating ang pagiging Deputy Commissioner, lahat ng pagsisikap at pagpupunyagi at katapatan sa serbisyo ay ibinuhos ni Madam Estelita Caleon-Aguirre para matulungan ang pamahalaan na mapasigla at mapataas ang koleksyon sa buwis.
Malapit sa mga reporters, lalo na sa mga miyembro ng BIR Press Club, si Deputy Commissioner Estelita Caleon-Aguirre ay laging bukas ang pintuan upang matulungan ang kapuwa nito kawani sa Rentas Internas. Si Aguirre ang madalas takbuhan ng mga empleado upang humingi ng payo patungkol sa kanilang gawain sa opisina at kung minsan maging sa pansarili nilang problema.
Sa kanyang pagsisikap sa Rentas bilang ordinaryong kawani, nakitaan ng potensiyal, kasipagan at pagsisikap ng mga dinatnan niyang commissioners ng BIR. Pinalad si Aguirre na makakuha ng magandang puwesto dahil sa kanyang mga pagsisikap, idea at mga pamamaraan sa pagkulekta ng buwis. Naging Revenue District Officer ito, naging Assistant Regional Director, naging Regional Director at hanggang maging Deputy Commissioner ng BIR, pangalawa sa pinakamataas na puwesto sa nasabing tanggapan. Mula sa panahon nina dating BIR Commissioners Ruben Ancheta, Bienvenido Tan, at Jose Ong, nagpamalas ng kanyang talino sa larangan ng pagkulekta ng buwis si Aguirre. Panahon nina former BIR Commissioners Liwayway Vinzons-Chato, Dakila Fonacier at Beethooven Rualo, napasabak si Aguirre sa higit na matitindi at mabibigat na trabaho. Subalit hindi ito nakitaan ng pagsuko sa halip, ay lalo itong naging masinop at mapunyagi sa trabaho para matulungan ang gobyerno na makakulekta ng malaking buwis.
Nitong panahon ni BIR Commissioner Guillermo Parayno, mas mabibigat na trabaho ang sumalubong kay Aguirre. Bukod sa pagiging Deputy Commissioner for human resource, ninombrahan sya ni Parayno bilang Officer-in-Charge ng Large Taxpayers Service hanggang permanente syang naluklok para patakbuhin ang nasabing tanggapan.
Parang mga anak na rin ang turing ni Aguirre sa mga miyembro ng BIR Press Club na dating pinamunuan nina late Philippine News Agency Larry Molina, late United Daily News Prof. Ordonio, late Bureau of Broadcast Andy Macaranas, People’s Journal Business Editor Ely Lopez, freelance reporter/columnist Erick Balane, nitong Pilipino Reporter Magasin, Bulgar, RP Daily Expos’e (dating Balita reporter), at Orly Ortiz, ng pahayagang Bandera. Sina Manila Bulletin reporter Jun Ramirez at losing Senatorial Candidate Mel “Batas” Mauricio ay kabilang sa mga beteranong reporters sa BIR beat.
Panahon ni Commissioner Chato, sa tulong ni Aguirre ay nabigyan ng sariling kuwarto o press office ang BIR Press Club. Kumpleto ito sa pasilidad, tulad ng typewriters, computers, refrigerator, television, radio monitor, sala sets at mga office chairs and table. Ipinasara ni former BIR Commissioner Rene Banez ang nasabing press office dahil sa sunod-sunod na banat sa dating BIR chief hanggang “sibakin” ito sa puwesto ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo matapos mag aklas ang mga opisyal at kawani ng Rentas dahil sa mga maling pamamalakad ni Commissioner Banez.
Bagamat hindi na muling naibalik pa sa mga miyembro ng media ang press office sa panahon ngayon ni Commissioner Parayno, hindi pa rin nagbabago ang pagtingin ni Aguirre sa mga miyembro ng media.
Nalungkot ang mga opisyal at kawani ng BIR nang magdesisyon si Deputy Commissioner Aguirre na mag optional retirement. Hanggang nitong June 30, 2004 na lamang si Aguirre sa BIR. Walang maliwanag na paliwanag kung bakit bigla na lamang aalis sa BIR ang mahusay na Deputy Commissioner. Gusto na lamang daw magpahinga sa pribadong buhay ang butihing Deputy. Nais daw nitong bigyang atensiyon ang mga mahal sa buhay, pribadong pamumuhay lamang daw ang nais nito. Ang yumaong asawa ni Aguirre ay dating Vice Mayor ng isang bayan sa Bulacan. Mahusay din itong public servant at mahal ng kanyang mga constituents, tulad nya, wala itong bahid, malinis at di nasangkot sa katiwalian.
Magkagayunman, marami pa rin ang umaasang dadalo sa ika-100 taong sentenyal ng BIR si Aguirre na idaraos sa Agosto 1, 2004.
Isang taal na Bulakeno, si Aguirre ay isinilang sa Pulilan, Bulacan at panganay sa anim na supling ni Ginoong Paulo Caleon, isang punong guro sa mababang paaralan ng Pulilan at Ginang Dominga Andan-Caleon. Siya ay nagtapos sa pampublikong paaralan ng Pulilan, nag High School sa Saint Dominic Academy, isang pribadong eskuwelahan ng mga madreng Dominico. Nagtapos ng Bachelor of Science in Business Administration at masters in Management sa Pamantasan ng Pilipinas. Isang Certified Public Accountant. Napasok sa BIR, nagpakadalubhasa sa Alemanya, Australya, Espana, Estados Unidos, Hapon, Inglatera, Indonesiya, Italya, Korea, New Zealand at Singapore upang masikhay ng karagdagang dunong. Mula sa pinakamababang posisyon, siya ay unti-unting umangat hanggang sa siya’y mahirang na Deputy Commissioner ng dating Pangulong Ramos at muling itinalaga sa nasabing tukulin ni dating Pangulong Erap at ng kasalukuyang Pangulong GMA.
Si Aguirre ay nagtamo ng maraming mahahalagang parangal tulad ng Outstanding PICPA member noong 1990 mula sa Philippine Institute of CPA”, 1995 Outstanding Bulakena mula sa lalawigan ng Bulacan sa pagtataguyod ng National Federation of Women’s Club, Commissioner’s Merit Award na iginawad sa kanya sa Malacanang ni dating Presidente Cory Aquino, Dangal ng Bayan Award on Ethical Behavior mula sa Civil Service Commission na iginawad ni dating Pangulong Ramos at maraming iba pa. Si Aguirre ay isang maligayang ina ng apat na masuswerteng supling na sina Lani, Mae, Henry at Hannah at naging butihing maybahay ni yumaong Honorato C. Aguirre, Vice Mayor ng Pulilan, Bulacan. Ang ABUTIN MO ANG BITUIN ay ang unang kalipunan ng mga librong-tula na kanyang isinulat na kinapulutan ng aral ng ating mga kabataan na may mithiin ding abutin ang kani-kanilang bituin.
Isang bagong libro na kinagiliwan ng masa tungkol sa buhay ni Estelita Caleon-Aguirre ang nilimbag. Ang librong ito ay tungkol sa buhay ng may akda, tunay na karanasan ng kanyang relasyon sa mahal na magulang, sa mahal na asawa, sa mahal na mga anak, sa mga mahal na mga kapatid, at sa mahal na mga kamag anak. Pinamagatan ang aklat na……..”KAY SARAP MABUHAY!”
Narito ang ilang bahagi ng tula sa aklat na “Kay Sarap Mabuhay” na inakda ni BIR Deputy Commissioner Estelita Caleon-Aguirre:
Sa mga magulang…
Sa matyagang pagsubaybay ni ama’t ni ina
Sa kanilang pagmamahal at sa walang sawang pagkalinga
Pananaw ko ay nahubog upang aking makita
Pagharap sa buhay, kung sila ay wala na.
Ang ama ko’y guro na naging principal
Ang kabaitan niya ay taal na taal
Mga guro at mag aaral, siya’y mahal na mahal
Naging gabay siya sa kanilang pag-aaral.
Sa mga kapatid…
Anim kaming lahat na magkakapatid,
Ngayo’y nagmamahalan, walang magkakagalit
Ngunit noong panahong kami’y maliliit
May mga away din, dahil mga paslit.
Nananalantay sa amin ay iisang dugo
Na nagpapatibok sa aming mga puso
Pagkakabigkis naming ngayo’y buong buo
Kakulangan ninuman, kami-kami ang nagpupuno
Sa kabiyak na asawa…
Isang whirlwind romance ang siyang nangyari
Natagpuan ko nalang ang aking sarili
Sumagot ng “oo” sa masuwerteng lalaki
At sa simbahan ng Lourdes, lumagay sa mabuti.
Palakad sa Altar, sa labi ay may ngiti
Kay ganda-ganda ko sa aking traheng puti
Pag agam-agam, wala kahit munti
At mabilis na “opo” ang sagot sa pari
Sa mga anak…
Nang sa aming buhay, dumating ang unang supling
Kaligayahang nadama’y di maubos isipin
Ngayo’y isa nang ina ang dating bituin
At sa bagong sanggol, ningning niya’y isasalin.
Dahil sa katulong kung minsan ay wala
Pagdating sa bahay, kaharap ay batya
Kaya gabi-gabi, walang kasawa-sawa
Maglaba ng lampin, dating di ginagawa.
Huli man daw at magaling ay maihahabol rin. Sa edad kong ito ay hinding-hindi ko inisip na makapagsusulat ako ng tula. Noong ika-11 ng Disyembre, 1997, isang anim na taong-gulang na scholar ng Honorable Aguirre Foundation, Inc., ang naghandog sa akin ng isang tula. Siya ay si Rex Joseph, ang nagsilbing inspirasyon upang isulat ko ang “Sana”, isang tulang aking inihandog sa mga scholars, mga magulang at mga sponsors ng Foundation noong ika-29 ng Disyembre, 1997. Noong ika-4 ng Pebrero, 1998 ay nag-ibayo ang sidhi ng aking inspirasyong sumulat ng tula at nagkaroon ako ng tiwala sa aking kakayahan nang malikha ko ang isang tula na pinamagatang “Pagpapakumbaba.” Isang napakagandang biyaya ang ibinigay ng Panginoong Diyos sa akin na di ko sukat akalain. Ang librong tulang ito ay bumubuo sa unang bahagi ng aking talambuhay na sana ay kapulutan Ninyo ng aral.” – ESTELITA A. CALEON-AGUIRRE.
Sa tagal na panahon ng inyong lingkod na nag-cover sa BIR beat, ni minsan ay hindi nasangkot sa anomang katiwalian o pang-aabuso sa tungkulin si Deputy Aguirre.
Isa siyang masayahin, matulungin, masipag at madasalin.
Alam kong pagkatapos ng paglilingkod sa BIR, ipagpatuloy pa rin ni Deputy Aguirre ang paglilingkod sa kapuwa, sa bayan at sa Poong May Kapal. Mabuhay ka… Deputy Aguirre…. patnubayan ka ng Diyos!!
Source: PILIPINO REPORTER MAGASIN
© 2026. Estelita Caleon-Aguirre. All Rights Reserved.